Mabibigat mang pagsubok ay malalampasan
kung may katatagan at matibay na paninindigan
ARALIN 4
MABUHAY KA, ANAK KO
Teoryang Humanismo
Unang bahagi ng nobelang Cambodian ni Pin Yathay
Salin ni Ruth Elynia S. Mabanglo
Ginising ako
ng ingay ng digmaan,ng sipol at ugong ng mga tingga. Habang nakahiga’y
namalayan ko ang iba pang ingay; ngalngal ng mga kotseng nagliligid, ingit ng
mga karetang hila ng baka, mga manaka-nakang sigaw. Tiningnan ko ang aking
relo. Alas singko ng umaga. Bumangon ako, dumungaw sa bintana at minasdan ang
paligid nang buong pagtataka. Ang kalye ay bumabaha sa tao at sasakyang mabagal
na naglalakbay sa maputlang liwanag ng bukang-liwayway. Waring lumuwas na sa
bayan ang buong bansa. Abril 17, 1975 noon, napagtanto kong patapos na ang
digmaang-bayan.
“Thay,
dear?” Gising na si Any, tahimik na nakahiga sa dilim. Siguro’y pinanonood niya
ako, naghihintay ng reaksiyon ko.
“Dali ka,
Any.” Hindi ako nakaramdam ng takot, bagkus ay tensiyon na pinatitindi ng
kaalamang oras na para kumilos. Kailangang kumilos kami agad para maiwasan ang
labanan. “Katapusan na ito. Ilang sandali na lang at darating na ang Khmer
Rouge.”
Naintindihan
agad ni Any ang sinabi ko. Mabilis siyang tumayo’t nagbihis; maliksi ngunit
malamyos ang kanyang kilos at sa isang wagwag ng kanyang ulo’y naiayos ang
buhok niyang hanggang balikat. “Ano’ng mangyayari?” tanong niya.
“Huwag kang
mag-alala,” sabi kong nagmamadaling pumunta sa sala para kunin ang mga gamit
namin. “Mahihirapan tayo sa umpisa, pero magiging normal din ang lahat.”
Nagising sa boses namin ang mga bata. Nagsimulang maghabulan ang dalawang
nakatatanda – ang siyam-na-taong si Sudath at si Nawath na limang taon – sa
loob ng dalawang kuwartong apartment na bumubuo ng lugar namin sa bahay ng
aking biyenan. “Kailangang mabihisan muna ang mga bata at pumunta na tayo agad
sa bayan bago makarating dito ang sundalo.”“Nawath!” tawag ni Any. Narinig ni
Nawath ang tawag dahil nakikipagbuno ito kay Sudath sa kama. “Nawath, lalapit
ka pag tinatawag ka!” muling taway ni Any na lalong nilakasan ang boses. Kung
minsa’y iniisip kong medyo mabagsik sa mga bata, pero talagang malilikot ang
dalawa kaya kailangang higpitan nang kaunti. Nahagip niya ang papatakbong si
Nawath at binihisan, hindi iniintindi ang pag-angal nito. Naghihikab na
bumangon ang beybi pang si Staud, at saka inaantok na nagpalinga-linga.“Sige
na, Sudath,” sabi ko sa panganay na lalaki. “Magbihis ka na. Hindi mo ba
nakikitang nagmamadali tayo?”Hindi naman mahirap balutin ang kakaunting
kailangan namin. Isang linggo na naming alam, mula nang mag-alisan ang mga
Amerikano noong Abril 12, na halos tapos na ang limang taong lumalaganap na
labanan sa pagitan ng mga rebeldeng Khmer Rouge ng Cambodia at ng gobyernong
Republikano ni Marshal Lon Nol. Hinihintay na lang namin kung saan magmumula at
kailan darating ang Khmer Rouge. Dalawang araw bago ito, nagbanta na ang ingay
ng papalapit na giyera para maghanap na kami ng pansamantalang malilipatan
sakaling tamaan ang bahay. Pinuntahan ko ang aking mga magulang at
nakipagkasundong magkita-kita ang buong pamilya sa bahay ng pinsan kong si Oan
na nakatira sa malapit sa bayan, sakaling lumubha ang sitwasyon. Pinuno na
namin ng gasolina ang lahat ng kotse. Wala na kaming dapat gawin ngayon kundi
mag-empake ng dalawang maletang damit, kasama ang mga alahas ni Any, ang mga
naipon namin at ang aking mga dolyar – talong libong lahat na puro tig-iisang
daan. Dinala ko ang isang maliit na radyo para makarinig ng mga balita – at
isang casette recorder na may kasamang reserbang
baterya. Nagtangay din ako ng ilang bagay na magagamit ko sa propesyon – mga
librong teknikal ukol sa irigasyon at pagbabai-baitang ng lupa, isang
diksiyunaryong French-English, at mga bolpen at papel.Sipa ng sipa si Nawath
habang pilit siyang sinasapatusan ni Any. Nang mga sandali ring iyon, pumasok
si Anyung na nakatatandang kapatid na babae ni Any. Sinabi nitong handa na sa
pag-alis ang kanilang mga magulang. Habang binibihisan ni Anyung si Staud ng
t-shirt at shorts, nagbalot naman si Any ng mga biskwit at kendi para sa mga
bata. Sinisiyasat ko ang aking dadalhin – mga libro, relo, pera, mga papeles na
mapagkikilanlan, radyo – at minsan ko pang tiningnan ang paligid, iniisip kung
mas mabuti kaya kung pinaalis ko ng bansa ang aking pamilya. Hindi, katulad ng
lahat, ayokong-ayoko sa bulok na rehimen ni Lon Nol. Wala akong dapat ikatakot
sa Khmer Rouge.Inapura ko ang aking pamilya para sumama na sa mga magulang ni
Any na noo’y sakay na ng kanilang Austin. Ikinarga ko ang mga bagahe namin sa
aking Fiat, habang isinisigaw ang mga habilin sa kabila ng kaguluhan sa siyudad
– ratatat ng machine gun, pagsabog
ng mga bomba sa malayo, at patuloy ba andar ng mga sasakyan.Ang kalyeng iyon,
na isa sa maluluwang na lansangan sa Phnom Penh ay isang agos ng mga tao,
kotse, kareta, bisikleta, trak, motorsiklo, at ilang karetang puno ng tao at
kagamitan, nag-uunahan sa maputlang liwanag ng madaling-araw. Ang ilang
pamilya’y naglalakad; inaakay ng mga ama ang mga bisikletang puno ng mga
kagamitang pambahay, may kilik namang bata ang mga ina. Kitang-kitang balisa
ang lahat, malungkot ang mga mukha, ngunit kakatwang tahimik. Waring hindi
natural ang pagkapasensiyoso ng mga nagmamaneho ng kotse, sumasabay sa lakad ng
mga tao nang hindi man lang bumubusina, isang bagay na hindi mangyayari noong
nagsisikip ang trapik sa Phnom Penh, ilang araw pa lang ang nakararaan. Mayroon
pang ilang grupo ng mga sundalo ng bumagsak na Republika na naglalakad nang
tatlu-tatlo o apat-apat, nakasakbat sa balikat ang mga riple, walang takot na
nagbibiruan pa, natutuwang tapos na ang giyera.May isandaang yarda na ang
nalalakad namin, mga taong parang duming lumulutang sa ilog, nang makarinig ako
ng isang pagsabog. Sa gawing kanan ko, sa may kantong malapit sa aming bahay,
isang balumbon ng usok ang lumabas. Ilang minuto pa’y dumating ang mga ambulansiya
at bumbero, nagtutunugan ang mga kampana at nagkikindatan ang mga ilaw.
Humarang sila sa aming daraanan at wala kaming nagawa kundi tumigil muna.Sa
kabila ng pagmamadali ng mga taong nakapalibot sa amin, sa kabilang kalapitan
ng labanan, nadama kong malayo kami sa panganib. Kahit tapos na ang maraming
taon ng digmaang-bayan at sa kabila ng mga babala ng aking ama ukol sa
kalikasan ng Khmer Rouge, naniniwala akong babalik din sa dati ang lahat, gaya
ng nakilala kong Cambodia bago nagkaroon ng digmaang-bayan.
Buhat ako sa
Oudong, isang nayong may dalawampu’t limang milya ang layo sa hilaga ng Phnom
Penh. Doon namuhay ang ama kong si Chhor bilang isang maliit na negosyante.
Hindi siya mayaman – tatlo lamang ang kuwarto ng bahay naming may bubong na
pulang tisa at sahig na matigas na lupa – ngunit mataas ang pangarap niya at ng
aking inang si Loan para sa akin, ang panganay sa limang magkakapatid.
Ipinadala nila ako sa Phnom Penh para magkaroon ng magandang edukasyon sa
haiskul. Magaling akong estudyante. At nang ako’y edad disisiete, ako ang
pinakamahusay sa matematika sa buong bansa.Hindi ko iniisip ang pulitika noon.
Maituturing na karurukan ng katatagan ang mga taon ng aking kabataan kung
ikukumpara sa mga sumunod na panahon. Walang kinikilingan ang
Cambodia, popular ang aming pinunong si Prinsipe Sihanouk, tila walang
kahirap-hirap na umuunlad ang bansa, at waring napakalayo ng digmaan sa
Vietnam. Wala ring usap-usapan tungkol sa pakikisangkot ng Amerika sa Southeast
Asia.
Bilang isang
matalinong estudyante, naging karapat-dapat akong iskolar ng gobyerno sa ibang
bansa. Nakaugalian nang papag-aralin sa France ang estudyanteng Canbodian,
ngunit naging sentro ng oposisyon laban kay Sihanouk ang France, kaya sa Montreal
ako ipinadala kasama ng iba. Doon ako nag-aral ng inhenyera.Bumalik ako sa
Cambodia noong 1965, sa isang bagong buhay. Nagtrabaho ako sa Ministry of
Public Works, at nagpakasal sa una kong asawa, si Thary. Tulad nang karaniwang
nangyayari sa mga bagong kasal, tumira kami sa bahay ng mga magulang ni Thary.
Malaking bahay iyon dahil isang mayamang opisyal sa Ministry of Finance ang
kanyang amang si Mr. Khem.Ipinanganak ang panganay naming si Sudath noong 1967.
Mukhang patungo na kami noon sa isang magandang kinabukasan.Gayunman, kung
babalikan ko ang nakaraan, mangilan-ngilan nang palatandaan ng
kawalang-kasiyahan sa paligid. Itinuring ni Sihanouk ang sarili bilang ama ng
bansa. Hindi nagtagal at umugong ang usapan tungkol sa nepotismo at kabulukan. Sumabay
dito ang lumulubhang digmaan sa Vietnam. Dahil masigasig si Sihanouk na
panatilihin ang magandang pakikipag-ugnayan sa kanyang makapangyarihang
kapitbahay, lihim siyang nakipagkasundo na magagamit ng mga North Vietnamese
ang malalayong lugar sa silangang bahagi ng Cambodia sa paghahatid ng mga
sundalo at armas sa South Vietnam. Naging dahilan ito ng pagtuligsa ng Estados
Unidos. Nalagay sa alanganin ang tradisyunal na niyutralidad ng Cambodia.Ilang
reaksiyon sa mga pangyayaring ito, sinuportahan ng mga di-nasisiyahang
Cambodian ang maliit na grupo ng mga rebeldeng Khmer Rouge, na ang karamiha’y
pinangungunahan ng mga intelektuwal na nag-aral sa France.
Hindi ito
gaanong nakaapekto sa aming buhay.Ako mismo’y maraming problemang pansarili.
Dumating sa buhay ko ang isang trahedya noong 1969. Habang hinihintay namin ang
pagsilang ng aming pangalawang anak, nagsakit ng hepatitis si Thary na
noo’y beinte kuatro anyos lang. Hindi na siya gumaling.Namatay sila kapwa ng
aming anak nang manganak siya. Isang taon ko siyang ipinagluksa.
Umasa na lamang ako sa
dalawang nakababatang kapatid ni Thary: si Anyung, beinte uno, at lalo na kay
Any, disinuebe, sa pag-aalaga kay Sudath habang ako’y nasa trabaho.
Nang lumaon,
at parang iyon na ang pinakanatural na mangyayari, umibig ako kay Any. Maganda
siyang babae, maitim ang buhok na hanggang balikat at balingkinitan ang
katawan. Sa edad na beinte, naging kaligayahan na niyang balikatin ang
trabahong-bahay at minahal niya si Sudath na parang sariling anak. Nagpakasal
kami. Noong 1971, ipinanganak ang aming anak na lalaki, si Nawath. At noong
1973, si Staud naman.
Noong mga
unang taon ng dekada sitenta, nataas ako ng puwesto at naging direktor ng
Department of New Works and Equipment sa ministri. Ang posisyong ito ang
nagbigay sa akin at sa aking pamilya ng proteksiyon laban sa kahirapang
pampulitika at pangkabuhayan na bunga ng lumalaganap na digmaang-bayan. Walang
nalalaman si Any kundi ang nangyayari sa bahay ng kanyang mga magulang, hindi
rin niya inuusisa ang aking mga paniniwalang pampulitika. Sa aking palagay,
masyado kaming kampante, tulad ng iba panag kakilala ko.Naging kapansin-pansin
na ang pagkawala ng niyutralidad nang panahong ito dahiil sa naging patakaran
ni Sihanouk na bigyang kasiyahan ang lahat. Dumami ang mga North Vietnamese sa
bansa – humigit-kumulang sa apatnapung libo – kaya ipinag-utos ni Presidente
Nixon na bombahin ang mga ito, isang lihim na ekstensiyon ng dimaang sa huli’y
makakasira sa kanya at sa amin. Taliwas sa inaasahan ang naging epekto ng mga
pagsalakay – lalo nitong inakit ang pagpasok ng mga komunista sa Cambodia.Noong
1970, pinabagsak ni Lon Nol, na Punong Ministro at pinuno ng armi, si Sihanouk.
Nangako itong lilinisin ang kabulukan at palalayasin ang mga Vietnamese.
Tumakas si Sihanouk patungong Peking, at ang nakapagtataka, nagpahayag siya ng
suporta sa mga gerilyang Khmer Rouge na dati niyang kalaban. Tinawag niyang
tagapagpalaya ang mga rebelde na karamiha’y binubuo ng mga magsasaka, at hindi
na niya binigyang-halag ang ideolohiyang komunista ng mga ito.Sa simula’y
malaki ang pag-asa namin kay Lon Nol. Ngunit sa pagdaraan ng panahon, naging
malinaw na hindi niya kayang gampanan ang tungkuling ipinataw niya sa sarili.
Inatake siya at naparalisado ang kalahati ng kanyang katawan. Nagpatuloy sa
kabulukan at pagwawalambahala ang administrasyon at sandatahang lakas.Nabigo
ang arming sugpuin ang alinman sa mga North Vietnamese at Khmer Rouge sa kabila
ng tulong ng Estados Unidos. Walang nakinabang kundi Khmer Rouge na
tinatangkilik ng mga Intsik. Bumagsak ang bansa sa isang pangkalahatang
digmaang-bayan. Sinabayan ito ng nakasasakal na inflation na pumuwersa
sa aming mga maaaring mangibang bansa na magtago ng salaping dayuhan, lalo na
ng dolyar. Noong 1970, umabot sa 60 riel ang kapalit
ng isang dolyar, at 2,000 naman noong 1975.Kakatwang kaming mga propesyonal at
intelektuwal sa Phnom Penh ay naniwala rin sa palagay ni Sihanouk na makabayan
at hindi komunista ang mga rebelde. Dahil na rin ito sa mga hindi maikakailang
pagkukulang ni Lon Nol. At totoo namang ang kanilang programa, na itinataguyod
din ng United Front of Kampuchea ni Sihanouk na nakabase sa Peking, ay hindi
bumanggit ng komunismo. Sa halip, gumagamit sila ng mga nakapagpapahinahong
salita gaya ng “Ang mga mamamayang Cambodian,” “Pambangsang Kalayaan,”
“Kapayapaan,” “Niyutralidad,” “Kalayaan,” at “Demokrasya”.Ako ma’y sumapi na
rin sa oposisyon kay Lon Nol. Nagtatag ako ng organisasyong tinawag naming Bees Club, isang
propesyonal na may magkakaparehong kaisipan – mga opisyal ng mga gobyerno,
propesor sa unibersidad, mga opisyal, at ilang oposisyonistang pulitiko. Laban
kami sa mga diktador, mga komunista at sa rehimen ni Lon Nol, ngunit wala
kaming tinatangkilik. Itinuturing naming ang mga Amerikano ay magkahalong
biyaya – laban sila sa komunista pero sinusuportahan nila ang bulok at
walang-silbing si Lon NoI. Ibig naming magkaroon ng isang pamahalaan na may pambansang
pagkakaisa, at kung posible, isang koalisyong pamahalaan, kasama na ang Khmer
Rouge.
Naniniwala
akong higit sa lahat, bayani ang Khmer Rouge dahil marami akong kilalang
nagtataguyod sa kanila at sumapi sa kanila. Ulit-ulit na sinabi ni Ama na
nagkakamali ako dahil nakita at nakausap niya ang di mabilang na nagsitakas
bago sila lumipat sa siyudad, kasama ang buong pamilya, noong 1972. Madalas
kong siyang sabihan noon na huwag mawalan ng pag-asa; iginigiit ko pang
nabubulagan lang siya sa propaganda ng pamahalaan. Tutal, sabi ko pa, may
sarilingtauhan sa mga gerilya si Sihanouk at tiyak na hindi nila susuportahan
ang mga taong pumapatay ng mga kababayan at naninira ng mga pagoda. Maaaring
komunista ang iba, sabi ko, pero higit sa lahat, Cambodian silang gaya
namin.Noong mga unang araw ng Marso 1975, nagkaroon ng pala-palagay na mababago
ang pamahalaan; na pupuwersahin ng Khmer Rouge si Lon Nol na magbitiw, at
inisip naming susundan ito ng maayos na pagtatatag ng isang bagong rehimen. Kahit
papaano, inakala kong magiging isa si Sihanouk sa solusyong pulitikal, kung ano
man iyon. Ngunit noong ika-isa ng Abril, nahikayat umalis si Lon Nol, at nawala
ang huling sagabal sa pagkakaroon ng maaayos na kasunduan. Naiwanan ang
pamumuno ng gobyerno sa mga kamay ni Long Boret. Alam kong wala na akong dapat
ikatakot nang bumagsak ang dating rehimen. Isa lamang akong karaniwang
inhinyero. Hindi namin kailangang umalis nang bansa. Hinintay ko ang pagtatapos
ng digmaan at umasang magkakaroon ako ng bahagi sa pagbubuo ng bagong
Cambodia.Sa kakapalan ng tao, inabot ng dalawang oras bago namin nalakbay ang
dalawang milyang distansiya papunta sa Psar Silep, isang residensiyal na lugar
malapit sa ilog. Ito ang sentro ng siyudad, ang pinakamagandang bahagi ng Phnom
Penh – malalapad ang mga kalyeng natatamnan ng mga puno at magkakahiwalay na
mga villa na istilong French colonial. Malaki ang
pook na ito, may sapat na lugar para sa mga puno at halaman. Dito nakatira ang
pinsan kong si Oan. Dalawang palapag ang bahay niya, protektado ng mataas na
bakod na yari sa tisa at may pintuang bakal. Magandang tagpuan iyon dahil
nag-iisa si Oan sa malaking bahay. May ilang linggo nang nakaalis ng bansa ang
asawa’t anak niyang lalaki, kasama ng kanyang mga biyenan.Nang makapunta sina
Anyung at mga biyenan ko sa bahay ng isang tiyahin, ipinasok ko naman ang Fiat
sa kalsadang kinatatayuan ng bahay ni Oan. Nagulat ako pagkakita sa marami kong
kamag-anak – si Oan at ang dalawa niyang kapatid na babae kasama ang
kani-kanilang pamilya, ang aking dalawang kapatid na babae, dalawang lalaki at
mga pamilya nila, at ang aming mga magulang – tatlumpo lahat. Naglapitan ang
lahat sa amin, tuwang-tuwa nang makita kami. May isang oras na sila roon at
nag-aalala na sa amin.Nang nakikipaglaro na sa mga pinsan nila ang mga bata,
naghanda ng pagkain ang mga babae. Gumagawa ang lahat maliban kay Vuoch na
nakikipaghuntahan sa mga lalaki. Si Vouch, dalawampu’t isa, ang intelektuwal ng
pamilya. Nasa ikatlong taon na siya sa unibersidad, nag-aaral ng inhinyeriya na
pambihira para sa isang babaing Cambodian. Nakahiligan niya ang simpleng
pananamit at mabigat na pagsasalita, wari’y determinadong takasan ang
tradisyunal na papel ng babae at igiit ang sarili sa daigdig ng mga
lalaki.Magiliw siyang gaya ng nakatatandang kapatid na babaeng si Keng kung
nakikipag-usap sa aming ina, kay Any o sa mga bata, pero madaling mapako ang
atensiyon niya sa mga usapang pampulitika.May bukas na radyo sa isang mesa,
pero walang balita, puro tugtog militar. Tinanong ako ng kapatid kong lalaking
si Theng kung ano sa palagay ko ang nangyayari sa bayan. Dalawang taon lang ang
kabataan sa akin ni Theng, may asawa siya at tatlong anak, dalawang lalaki at
isang sanggol na babae. Medyo bilib siya sa akin sa mga usaping pampulitika, hindi
lamang dahil nakatatanda ako sa kanya, kundi dahil sa posisyon ko sa ministri.
Titser siya sa primarya, nakatira sa mga magulang namin, at mas interesado sa
basketbol kaysa pulitika. Bagay naman iyon sa katawan niya kaya mas
napakikinabangan siya kung mabigat na trabahong dapat gawin. A, sabi kong
nakatitiyak, pag-uusapan siyempre ‘yan ng mga opisyal ng magkabilang panig…
“E bakit
hindi pa nila ibalita sa radyo?” sabat ni Vouch.
“Nakapagtataka
nga,” sabi kong hindi tumitingin sa kanya para makaiwas. “Pero wala namang
dapat ipag-alala. Hindi magtatagal at magkakaroon ng isang bagong gobyerno at
muling mamumuno si Prinsipe Sihanouk. Makikita mo.”
“At
makabubuti sa kanyang huwag na niyang ulitin ang mga dating pagkakamali niya.”
Bahagyang
katahimikan ang nagdaan. Para maputol ito, may isang nagsabi: “ Ano sa palagay
mo, Sarun?”Nagkatinginan kaming lahat. Kawawang Sarun. Titser siya noon bago
maaksidente sa isang motorsiklo na ikinabagok ng kanyang ulo, dalawang taon na
ang nakararaan. Hindi na siya katulad ng dati. Dati’y masayahin siya at
mapaglaro, ngayo’y lagi siyang malungkutin at mainisin. Kadalasan ay mahiyain
siya na pang bata, pero minsa’y galit na galit o nagsasalita ng mga bagay na
walang kaugnayan sa pinag-uusapan. Sabihin pa’y naalis siya sa eskuwela, pero
hindi maunawaan kung bakit. Ang hindi nagbago sa kanya’y ang pagmamahal niya sa
asawang si Keng at sa limang-taong anak na babaing si Srey Rath.“Ano sa palagay
ko?” ani ni Sarun sa dating matamlay na ngiti. “ewan ko. Pero kung mababalik si
Sihanouk, siguro makukuha ko uli ‘yung dati kong trabaho. Ano sa palagay mo
Thay?”Naniniwala siyang naging biktima siya ng isang sabwatan at hindi
makabubuting pag-usapan pa ang tungkol doon. Ngumiti ako’t
nagkibit-balikat.“Ano ang inginiti-ngiti mo riyan, Thay?” tila nanunumbat ang
boses ni Keng mula sa kusina. “Siguradong mababalik sa trabaho si Sarun pag
maayos na ang lahat. Sarun, dear, puwede bang tawagin mo na si Srey? Maghahain
na kami.”
Bilib kaming
lahat kay Keng. Mapalad si Sarun dahil sa kanyang katapatan at
pangangalaga.Noon dumating ang pinsan kong si Sim. Nakangisi siya na para bang
kababalik mula sa pamamasyal sa buong bayan.“Sim!” tawag ni Oan na gulat na
gulat. “Ba’t nag-iisa ka? Nasa’n ang mga magulang mo?”“Wala pa ba sila dito?
Akala ko’y …” napahinto siyang nakasimangot.“Halika na, Sim,” sabi ng tatay ko
ko na kilalang-kilala si Sim mula pagkabata. Disiotso na si Sim at nasa
haiskul, pero hindi siya matalino. Wala siyang ginawa kundi maglakwatsa kasama
ng mga kaibigan.“Akala ko’y naririto na sila, tiyong. Nanood ako ng nasusunog
na bahay, tapos, hindi ko sila makita kaya nagpunta na ‘ko rito. Aalis uli
ako’t hahanapin ko sila.”“Loko ka ba, tumigil ka na lang dito. Hindi sila
maaano. Peligroso nang lumabas uli.”Doon nga kami pumirmi, paupu-upo kahit
saan, pakain-kain ng kanin, ulam at prutas na inihanda ni Any at ng iba pang
nasa kusina. Pinag-usapan namin ang mangyayari sa kabila ng ingay ng mga
nagsisitakas sa labas at ng tugtog ng radyo. Inulit ko ang paniniwalang
magkakaroon ng solusyong pulitikal. Karaniwang umaayon o nananahimik lang ang
iba. Kapag tutol si Theng, lalong maraming angal ang isa ko pang kapatid na si
Thoeon. Hindi siya lumaki sa amin, Nakisama siya sa kanyang mga biyenan, kaya
medyo malayo ang kanyang loob. Sumasali rin sa usapan si Vouch. Samantala’y
nanonood lang si Any, tahimik at minamasdan kung sino ang nagsasalita, na
karaniwan niyang ginagawa kapag maraming tao. Bahagya ring sumasali si Oan
kahit nasa bahay niya kami. Mayaman nga siya pero hindi siya gaanong matalino.
Sinuwerte siyang makapag-asawa ng may-kaya – may-ari ng ilang sinehan ang
biyenan niyang lalaki.
Ngunit hindi
madaling papaniwalain ang aking ama. Paulit-ulit ang babala niyang komunista
ang Khmer Rouge. Mataas siya, malakas at may matatag na pagkatao, gayundin sa
pangangatwan.
Hindi siya
masalita at inirerespeto siya sa kanyang paniniwala. Pero naiinis ako sa mga
prediksiyon niya. Narinig ko noon. Paulit-ulit ko nang nasabi sa kanyang walag
dapat ipag-alala.“Tsismis lang ‘yan, ‘tay, propaganda,” sabi kong hindi
ipinahahalata ang pagkainis. “Wala namang binabanggit tungkol sa komunismo ang
kanilang programa. Kaibigan ko ang ilan sa mga taong iyon. Hindi sila
magsisinungaling. Bakit pa? Mayaman ang ating bansa. Hindi nila kailangang
gumawa ng kalupitan para pakainin ng taumbayan.”Tumahimik ang aking ama. Ang
aking naman ang nagsalita. Mukha siyang mahina, maliit, kung ikukumpara sa mga
anak niyang babae. Buong buhay niya’y nagugol sa pag-aalaga sa pamilya sa nayon.
Pero kung narinig mo siyang magsalita, mahuhulaan mong sa kanya nagmana si
Vouch.“Igalang mo naman ang tatay mo, Thay,” aniyang mahina pero matigas.
“Nakausap namin ang mga taong nagsisitakas, napatay ang kanilang pamilya,
sinunog ang kanilang mga bahay. Malupit ang Khmer Rouge. Komunista sila, gaya
ng mga tauhan ni Mao sa China. Kapag sila ang namuno, katapusan na ng relihiyon
natin. Kalimutan mo na ang kaligayahan.”“Ang inay naman!, sabi ko. “Anong
komunista ang sinasabi n’yo? Iyong iba sa kanila siguro, pero alam nilang
napakarelihiyoso ng mga Cambodian at mapagmahal sa buhay para tanggapin ang
komunismo. Makabayan muna sila bago komunista. Susundin nila ang gusto ng mga
tao.” Alam kong tama ako. Mga tanging impormasyon ang ibinibigay sa akin ng mga
kakilala ko. Isa pa’y nakapangibang-bansa na ako’t may malawak na pananaw. At
ano’ng nalalaman ng mga magulang ko, na simpleng negsyante lang, tungkol sa
tunay na sitwasyon?May isang oras kaming nag-usap-usap. Maya’t maya’y natitigil
kami dahil sa sigaw ng mga bata at manaka-nakang pagsabog sa may kalayuan.
Pagkatapos, nang bandang alas diyes, isang boses na noon lamang namin narinig
ang nagpatigil sa tugtog-militar sa radyo: “makinig kayo! Abangan ang isang
importanteng pahayag!” napatigil ang lahat at tinawag ang mga kamag-anak na
nasa kusina at bakuran. Kinawayan ko si Any na mabilis namang pumasok matapos
tingnan si Nawath na nakikipaglaro sa kanyang mga pinsan.Namayani ang
katahimikan.Narinig sa radyo ang mahinang boses ng Patriarkong Budhista na si
Huot Tat. Nagkatinginan kaming lahat at tiwalang napangiti. Hindi lamang siya
ang may pinakamataas na awtoridad na panrelihiyon, ang simbolo ng katatagan;
miyembro rin siya ng aming pamilya, amain ng aking ama.
Malapit ako
sa kanya. Sinubaybayan niyang mabuti ang aking pag-aaral at dahil na rin dito
kung bakit nakatagpo ako ng lakas sa mga aral ng Buddhismo noong
estudyante pa ako. Waring angkop iyon sa aking mga aspirasyon at pagkatao.
Nakasalalay sa sarili ang kaligtasan, turo ni Buddha.Walang magagawa ang Diyos
kung di ka magkukusa. Lahat ng kabutihan at kasamaan ay magbubunga, maaaring sa
buhay na ito o sa susunod, ngunit laging malaya ang taong paunlarin ang sarili,
magpakabuti, pagandahin ang ugali, sa pamamagitan ng pagdarasal na patnubayan
siya at bigyan ng malinaw na pananaw, sa paggawa ng mabuti, at mahusay na
paggamit ng kakayahan at talinong kaloob sa kanya. Natitiyak kong nagawa ko ang
pinakamabuting magagawa ko, maraming salamat sa impluwensiya ni Huot Tat.Kaya
tulad ng iba’y sabik akong marinig ang sasabihin ng matanda, -- marahil ay mas
sabik pa – at makatagpo ng katiyakan sa sasabihin ng kagalang-galang na
matandang hindi mapag-aalinlanganan ang kalagayan, na ang patnubay ay tiyak na
kakailanganin ng bagong rehimen.“Huwag kayong mag-alala,” sabi niya. “Itigil na
ang labanan. Darating na ang kapayapaan. Nakaraan na ang ating bansa sa isang
mahirap na pagsubok. Kailangang muli natin itong itayo.” Iyon lamang, at iyon
lamang naman ang kailangan.Pagkaraa’y isa pang boses ang narinig. Kay Heneral
Mey Sichan iyon, ang puno ng sandatahang lakas ng Republikano. “Dapat nang
sumuko ang lahat ng sundalo,” sabi niya, “para maiwasan ang pagdanak ng dugo
samantalang ipinagpapatuloy ang pakikipagnegosasyon sa ating mga kapatid.”
Tapos na ang
lahat, naisip ko. “Mabuti,” bulong ko kay Any sabay yakap. Lumuwag ang
pakiramdam naming lahat.Ngunit ilang sandali lang at natabunan ang boses ng
heneral ng di maunawaang ingay. Pagkaraa’y isa pang boses ang sumingit, mas
malakas, parang may umagaw sa mikropono.”Ang digmaan ay naipanalo sa
pamamagitan ng sandata, hindi ng negosasyon! Sumuko na ang mga puwersa ng
gobyerno! Nanalo ang mga rebelde! Tapos na ngayon ang digmaan!”Pagkaraa’y
nakatatakot na katahimikan. Walang musika, lahat ay natigil. Nawala ang mga
ngiti namin. May nagpatay at muling nagbukas ng radyo, tinetesting. Wala.
Naglalakihan ang mga matang nagkatinginan kami.
Sa
katahimikan, namalayan ko ang tinig ng mga tao sa kalye, at ang ingay ng mga
makina. Panatag kaming nakakulong sa bahay, gayundi ang mga kapitbahay. Pero sa
labas, libu-libong mga tao ang nagsisiksikan patungo sa sentro ng Phnom Penh.
Saan
sila
pupunta? Naipalagay ko lang na tutuloy sila sa mga pagoda, sa mga unibersidad o
sa bakuran ng mga gusaling pampubliko, hanggang sa matapos ang labanan.Isang
oras ang lumipas. Patuloy na naglaro ang mga bata samantalang mahinang
nag-usap-usap ang matatanda. Pagkaraa’y narinig namin ang sigaw ng pagsasaya sa
kalayuan. Tumalong palabas ng bakod si Sim para alamin kung ano ang nangyayari,
pagkatapos ay mabilis siyang bumalik at sumigaw, “Ang mga Khmer Rouge!”Talaga
nga palang tapos na. Nagmamadali naming binuksan ang pinto para manood.Sa buong
paligid, nagbitin ang mga puting tuwalya, kumot, damit, at anumang puting
maiwawagayway ng mga tao. Nagsimulang dumami ang mga tao sa kalye, palayo sa
amin. Isang uri ng prusisyon ang wari’y panonoorin nila sa Preah Monivong, isang
pangunahing kalyeng nagmumula sa timog at kumukrus sa tabing kalye namin, may
ilang yarda ang layo. Matapos isenyas kay Any na bantayan ang mga bata, nakipagsiksikan
ako sa mga taong nasa harap kasama ng iba pa. Noon ako unang nakakita ng mga
sundalong Khmer Rouge.
Malinis ang
kalye, lahat ng tao ay nakatayo sa bangketa. Sa gitna ng kalsada, isa-isang
naglalakad ang mga sundalong noon ko lamang nakita, nahahati sa pangkat ng
tiglilimampu. Lahat sila ay nakaunipormeng itim na tila padyama ang yari,
walang dekorasyon pero maayos na nakabutones. Nakasumbrerong Intsik sila at
sandalyas ng Ho Chi Minh na yari sa
gulong ng kotse. Ang ilan ay may dalang AK47, ang iba
nama’y mga rocket launchers. Lahat
sila’y may tsekerd na kramar – mga
bandanang nakapulupot sa kanilang leeg o sumbrero.Hindi sila nagmamartsa ngunit
hindi sila mukhang nanlalata. Nakatitig lamang sila sa unahan ng linya, walang
kangiti-ngiti. Lahat sila’y mukhang wala pang disiotso anyos. Ang tanawing ito
ay magiging pamilyar pagkaraan sa buong mundo sa pamamagitan ng mga retrato at
pelikula, ngunit ni wala kaming babala kung ano ang itsura nila.Hindi ako
nabigla o nangamba; gayunma’y nakadama ako ng pag-aalala sa katigasan ng mukha
ang mga kabataang sundalo, lalo na ng makita ko ang magandang pagtanggap sa
kanila ng mga tao. Nagpapalakpakan at walang takot na sinundan ng mga tao ang
hanay ng mga sundalo, ngunit ang kasabikan at kasiglahan nila’y walang epekto
sa mabalasik na mga kabataan. Nakatanaw lamang sila sa malayo, walang damdamin,
blangko, parang mga robot.
Ngunit
masyado kaming nasisiyahan para bigyang pansin ang kanilang inuugali. Tapos na
ang giyera. Ni hindi kami nasaktan. Kaya nagyayakapan ang mga tao at
nagwawagaywayan ng mga puting tela. Sa halip na matakot, kaming lahat ay
nagtiwala sa kawalang – pakialam ng Khmer Rouge.Minsan lang akong ninerbiyos.
Isang trak ng militar na minamaneho ng isang sundalong Republikano ang biglang
lumitaw sa daan, pauwi na siguro at natutuwang tapos na ang labanan. Isang
Khmer Rouge ang sumenyas at nag-utos na siya’y bumaba. Mabilis na tumalon at
tumakbong palayo ang lalaki ngunit maagap siyang hinabol at nahuli ng isang
Khmer Rouge na may kipkip na baril. Isinalya nito sa pader ang sundalo at
tinutukan ng riple. Pagkaraa’y mahinahon nitong inutusan ang sundalong hubarin
ang kanyang uniporme at iwan ang sasakyan. Sumunod naman ang lalaki at lumayo
na ang Khmer Rouge. Muli akong nakahinga, mas nakasisigurong maaayos ang lahat.
Masaya
kaming bumalik sa bahay ni
Oan,nagbibiruan,nagkukuwentuhan at nagpaplano.Sabi ko’y iuuwi ko na ang
aking pamilya. May ibang nagsabing pupunta sila tabing-dagat at magsaya. Mukhang
pabalik na sa normal ang lahat. Sakay ng kanilang Austin, dumaan sa bahay ang
mga magulang ni Any para sabihing babalik na sila sa kanilang bahay. Kami man
ay paalis na ng sabihin ni Oan, “Bakit hindi pa kayo rito mananghalian?” Bakit
nga ba hindi. Matitingnan naman ng mga biyenan ko ang bahay namin habang wala
pa kami. Naglalaro ang mga bata sa bakuran. Mag-aalas onse pa lamang, walang
dahilan para magmadali. Naiwan kami, masayang nag-uusap.
Nanananghalian kami at nag-iisip ako kung papasok na ako sa trabaho
kinabukasan, nang isang lalaki ang dumating. Halos hindi makahinga. Siya ay
katiwala sa bahay ng mga biyenan ni Oan na nakatira may isang milya ang layo,
sa gawing dinaanan ng Khmer Rouge. Ipinagkatiwala nila sa taong iyon ang bahay
nang umalis sila sa Cambodia kasama ang asawa at nag-iisang anak ni Oan.
Nakatayo ito ngayon sa may pintuan, takot na takot at gulung-gulo ang ayos.
“Pinalayas kami ng mga Khmer Rouge sa aming mga bahay! Pinagsabihan kaming
umalis ng siyudad!” sabi nitong halos hindi makapgsalita. “Ano’ng gagawin
ko?”Agad nagbago ang pakiramdam namin. Nahinto kami sa pagkain at pinagtatanong
siya:“Sigurado ka ba?”
“Bakit?” “Baka nagkamali ka lang ng
pag-intindi?”“Wala kaming narinig na sinabi nilang gano’n.”Nagbibiro ba siya?
Mag-alisan kami, parang hindi kapani-paniwala!
Kailangang
malaman namin ang totoo kaya nagtanong kami sa mga kapitbahay para malaman ang
mga pangyayari. Sila ma’y nakarinig ng mga usap-usapan ukol sa ebakwasyon. Pero
walang balita sa radyo parang nakabubuhay ng loob ang kawalan ng opisyal na
babala.Hindi namin alam ang ang gagawin. Aalis ba kami sa bahay ni Oan?
Desperado na kaming makasagap ng impormasyon para makapagplano. Iminungkahi
kong konsultahin namin ang aming amain, ang Patriarkang si Huot Tat na nakatira
sa Onalon Pagoda sa tabi ng
ilog dalawang milya ang layo. Tiyak na alam niya kung ano ang nangyayari.
Hihingi kami ng payo sa kanya, makakukuha rin kami ng proteksiyon.
Wala nang
makaisip kung ano ang mas mabuting gawin. Sumakay kaming lahat sa tatlong kotse
– sa aking Fiat, sa Puegeot ng aking
kapatid na si Theng, at sa Mercedez Benz ni Oan.
Muli, napasama kami sa mabagal na prusisyon ng mga tumatakas. Nagsisikip pa rin
ang mga kalye. Napasama na sa mga papunta sa sentro ng bayan ang mga taong
pinalayas sa kanilang mga bahay. Tila tulala ang lahat ngunit walang kaguluhan
o ingay, isang pulutong lamang ng mabagal na umuusad patungo sa kung saan, mga
taong naglalakad, nagbibisikleta, sakay ng trishaw, at mga kotse.
Paminsan-minsa’y isang putok ang naririnig mula sa kalayuan. Ang mga ganitong
pagunita na labanan ay nagpaalisto sa amin dahil hindi namin alam kung sino ang
binabaril nino.
Kakatwang agad-agad ay naging masunurin at
magalang ang lahat, maingat na sinusunod ang tuntunin sa daan, takot waring
makaaksidente, takot waring mapansin.
Nang sumunod
na na isang oras, minsan lamang akong nakakita ng Khmer Rouge, nang lumabas sa
katabing kalye ang tatlumpu sa kanila, tahimik na nagmamartsa sa isang hanay sa
gitna ng daan, hindi alintana ang mga taong nakapaligid sa kanila. Pinaraan
sila ng mga kotse at mga taong nagdaraan. Nagmartsa sila nang hindi kami
pinapansin, wari’y iniiwasang mahawa sa amin.May sariling bakuran ang pagoda ng
Patriarka. Isa iyong mataas, dalawang-palapag na templong may bubong na tisang
kulay dilaw. Nakatayo iyon sa tabing-ilog, tumutunghay sa pinagtatapuan ng ilog
ng Mekong at Tonle
Sap. Sa paligid niyon, kasama ng mga puno at hardin ng mga bulaklak, ay ang
tirahan ng mga monghe. Ipinarada namin ang mga kotse, dinala ang mga bata at
nagpunta sa bahay ng Patriarka. Matapos kaming ituro sa isang malaking
bulwagang puno na rin ng may isandaang katao, ilan sa amin – ang mga magulang
ko, ako, si Oan, at ang mga kapatid kong lalaki – ang nagpunta sa tanggapan ng
Patriarka.Kakatwang malakas pa ang Patriarka sa kanyang walumpu’t limang taon,
matatag na nakataas ang ulo niyang ahit, at mukhang bata pa ang malapad niyang
mukha. Nakasuot siya ng robang dilaw na hantad ang isang balikat, at
napaliligiran ng mga monghe at sibilyan. Malinaw na maraming tao ang nag-isip
nang katulad namin, ang magpunta sa pagoda para malaman kung ano ang nangyayari
at hinginang proteksiyon ng Patriarka. Agad kong nakilala ang dalawang lalaki,
si Heneral Chhim-Chhuon, dating aide-de-camp ni Marshal
Lon Nol, at si Heneral Mao Sum Khem, Chief Operations Co-ordinator ng
sandatahang lakas ng Republikano. Ngunit parang mapagpakumbaba na at
nag-aalinlangan ang dalawang ito na dati’y palaban. Halatang badigard nila ang
ibang lalaking nakasibilyan. Lumuhod kaming kasama ng iba pang naroon at ginawa
ang tatlong ulit na pagpupugay na ang mga kamay ay magsalikop sa may noo.
Pagkaraa’y magkakrus ang mga binting naupo kami at nakinig ng mga
usapan.Dalawang pangunahing tanong ang lumilitaw: paano kikilos ang mga opisyal
na Republikano sa harap ng mga Khmer Rouge? At bakit pinaaalis sa mga bahay
nila ang mga mamamayan – dahil lumalabas sa mga report na pinalilikas ang mga
tao sa siyudad. Iginigiit ng Pariarka na maging mahinahon ang lahat. Marahil ay
wala namang pangkalahatang ebakwasyon, sabi niya. Walang
binabanggit na pangkalahatang deportasyon ang programa ng Khmer Rouge. “Hindi
makatwiran, kung gayon, na magkaroon ng ebakwasyon.” Narinig kong sinabi niya,
“Manatili kayong mahinahon at maghintay ng utos.”Isang monghe ang inutusan ng
Patriarka na tumelepono sa presidente ng Cambodian Red Cross at kay Chau Sau,
ang sekretaryo-heneral ng Opposition Democratic Party. Dapat sanang
makapagbigay ng impormasyon ang dalawang ito, pero tila wala silang nalalaman
kundi ang deklarasyon ng Red Cross na niyutral ang Hotel Le Phnom at ang French
Embassy.May isang nagpatahimik sa lahat at itinuro ang transistor na nasa
mesang katabi ng Patriarka. Buhay na naman ang istasyon ng gobyerno at may
maikling mensaha. Tinatawagan ang lahat ng ministro at nakatataas na opisyal ng
sandatahang lakas sa Ministry of Information sa ganap na alas kuwatro ng hapon.
“Alam na ninyo ngayon ang gagawin,” sabi ng Patriarka, “magpapadala rin ako ng
sarili kong kinatawan.”Makaraang umalis ang mga heneral at isang monghe,
nagpalakad-lakad kami, nagtatanungan kung ano ang ibig sabihin ng lahat ng
iyon, iniisip kung pupunta kami sa French Embassy o sa hotel Le Phnom.
Nanatiling nakaupo ang Patriarka sa kanyang bangko, mahinahong
naghihintay.Naging lalong kainip-inip ang paghihintay habang humahapon.
Nagtatalo ang loob ko kung aalis kami, ngunit waring nakatatakot ang kawalan ng
katiyakan, ang posibilidad na mahuli kami habang lumilikas, ang kaimposiblehan
ng pagpaplano. Sa isang pagkakataon, humingi ako ng permiso sa Patriarka na
matawagan ang French Embassy. Nang humingi ng asylum, sinabi ng nakausap ko na
imposible para sa sinumang Cambodian ang pumasok sa French Embassy dahil
guwardiyado ng mga Khmer Rouge ang pintuan. “Kahit na Patriarka mismo ang
dumating,” sabi ng kausap ko, “hindi siya papasukin ng Khmer Rouge.” Ibinaba ko
ang telepono, gulat na gulat na may Cambodian na hindi kumikilala sa awtoridad
ng Patriarka. Sa kauna-unahang pagkakataon, napagtanto kong naipit
kami.Tinangka kong tawagan ang mga biyenan ko at si Anyung sa bahay. Walang
sagot. Wala kaming magawa kundi maghintay. Nagpalakad-lakad ako, pilit na
pinapayapa ang loob ni Any sa pagsasabi ng tungkol sa mga tawag at sa
pamamagitan ng bahagyang pakikipag-usap sa mga bata. Masasaya naman ang mga
anak ko, nakikipaglaro sa mga kasing-edad nila.Nang magtakip-silim, mga alas sais,
dumating ang kinatawan ng Patriarka. Sinundan ko siya habang nakikipagsiksikan
sa karamihan ng mga tao patungo sa Patriarka, na nagtaas ng kamay para
patahimikin ang lahat. Pinilit kong basahin kung may magandang mensahe sa
kanyang mukha, ngunit blangko iyon.Sabi niya’y maraming mga nakatataas na
opisyal na Republikano at mga ministro sa miting; naroon din ang Prime Minister
na si Long Boret. Naupo ang monghe sa tabi ng isang opisyal ng khmer Rouge na
nakipag-usap naman sa kanya nang buong galang. Pinuri ng opisyal ang mga
kabutihan ng Khmer rouge at sinabing maisasagawa na ang muling pagtatatag ng
bansa sa tulong ng mga dating opisyal, intelektuwal at teknisyan. Nang itanong
ng isang monghe ang tungkol sa ebakwasyon, umiling ang opisyal. Wala raw kabuluhan
ang ganoong utos. Bakit daw iuutos ang pagpapalikas ng mga taong may malakas na
pangangatwan gayong kakailanganin sila sa pagsasaayos ng ekonomiya.? “Sabi niya
sa akin: nasa iyo ang aking palabra de honor, wala akong narinig na ganoong
utos. Isa lamang iyong maniobra ng imperyalista. Ibig lamang nilang matakot ang
mga taumbayan.”Nakahinga ako nang maluwag at ibinalita ko kay Any na hindi
totoo ang usap-usapan ukol sa ebakwasyon, ngunit marami pang nagsisilikas ang
dumating sa pagoda at nagsabing patuloy pa rin ang pagpapaalis sa mga tao.
Tumindi ang aking pag-aalala. Alinman sa nagsisinungaling o walang nalalaman
ang opisyal. Tumanggi ang monghe nang tanungin ni Oan, hindi raw maaaring
magsinungaling ang opisyal. Ngunit maaari ring wala siyang nalalaman.
Sumapit ang
gabi. Muli kong tinawagan ang mga biyenan ko pero wala pa ring sagot.
Nakikini-kinita ko ang pangit na larawan: ang mga magulang ni Any at ang
kapatid niyang si Anyung, kasama ng agos ng mga nagsisilikas, hindi malaman
kung saan patungo. Sinulyapan ko siya para pumayapa ang kanyang loob.
Dahil sa
matinding pagod at pag-aalala, nakatulog kami sa mga banig na inilatag sa
baldosang sahig ng pagoda – lahat kaming tatlumpu na nahahati sa iba’t ibang
pamilya. Kakatwang pati ang mga bata, pati na si Nawath, ay naging masunurin sa
aming
kakaibang kalagayan at kalituhan. Ibinalot ko ang aking sa ilang damit at
binuksan sa Voice of America sa Cambodian para makibalita. Wala. Pinatay ko ang
radyo, pero hindi ako makatulog.Manaka-naka ang dating at alis ng mga taong
naghahanap ng matutulugan, at bawat dumating ay nagpapatotoong patuloy ang
ebakwasyon. Daan-daan ang nagsisiksikan sa pagoda at sa bakuran nito, habang
libu-libo naman ang mabilis na papalabas ng bayan.Nang natutulog na kaming
lahat – mga alas nuwebe siguro ng gabi – isang opisyal ng Khmer Rouge na may
hawak na pistola ang pumasok. Mga kasing-edad ko siya, mga treinta anyos. Sa
masakit na liwanag ng mga bombilya, naghihinalang tiningnan niya kami,
nakatutok ang baril sa mga natutulog na parang may inaasahang lalaban sa kanya.
Pagkaraa’y nakita niya ang anim na bisikleta at tatlong motorsiklong nakaparada
sa may pintuan.“Kanino ang motorsiklong ito?” sigaw niya. Walang sumagot.
Isinuksok niya ang baril at pinuntahan ang mga bisikleta. Isang asul na Honda
na mukhang bagung-bago ang kinuha niya. Nakakadena ito sa dalawa pang
motorsiklo. Dalawang bese niyang sinabi: “sino ang may-ari ng motorsiklong
ito?” At pagkaraan, “Kailangan ito ng Angkar!”
Angkar – ang
Organisasyon: iyon ang kauna-unahang pagkakataon na narinig kong ginamit sa
ganoong paraan ang salitang iyon.
Wala pa ring
nagsalita. Inihiga ng opisyal ang motorsiklo, inilabas ang kanyang baril at
itinutok sa kadena. Dalawang beses siyang nagpaputok, magkasunod. Naputol ang
kadena. Nakatatakot ang pagpunit ng mga putok sa katahimikan, lalo’t iisiping
may mga batang natutulog. Nagising ang mga bata, nagpalinga-linga, natulala.
Ilang saglit pa, sakay ng motorsiklong umalis ang opisyal, iniwan kaming
natitigilan. Tiningnan ko si Any. Sinenyasan ko siyang manahimik.
Makailang
sandali’y ibnulong sa akin ni Any, “Paano niya nagawa ang gano’n?”
“Ano’ng
magagawa natin?” sagot ko.
Isang
matagal na tingin ang ipinukol sa akin ng aking ama.
“Siguro
naman, hindi lahat sila’y gano’n,” nagtatanggol na sabi ko sa kanya, pabulong
din.Labinlimang minuto pagkatapos, dalawa pang sundalo ang dumating at walang
imik na kinuha ang dalawa pang motorsiklo.Naging maliwanag sa akin at sa lahat
ng naroon, na hindi pagnanakaw o pang-aangkin lamang ang mga kilos na iyon. May
kahalagahan ang Patriarka na higit pa sa kanyang kalagayang panrelihiyon.
Iginagalang siya, maging sa pinakamalalayong kanayunan sa Cambodia, ngunit
dito, sa isang iglap ay napanoog namin ang tatlong taong parang hindi alam kung
saan sila naroon, wala ni paggalang para sa Patriarka. Iyon ang unang babala na
mawawasak na ang mabubuting kaugaliang taglay namin sa loob ng maraming
dantaon.Bago muling nakatulog, itinanong ng panganay naming si Sudath, “Kailan
tayo uuwi, itay?” Hindi ako nakakibo. Si Any ang sumagot, “Matulog ka na anak,
uuwi na tayo bukas.” Hindi ko na iyon mapaniwalaan, at siya man, sa palagay ko.
ano yung eoyang genamit??
TumugonBurahin